Monday, April 18, 2011

Sa Habagat ng Pagsuyo

Ang haplos ng puso na tunay ngang sabik
mariing nabatid ng kapwang nagtalik
at ang halukipkip ng labing mapait
sabay sa libido ng matang tumirik.

Mahiwagang gapos na ayaw mawala
kahit kalagan man ay di papahupa
at ang pagkaripas ng dugong luhaan
palasong sa isip na di matakasan.

Nang ako'y dampian ng aking isipan
malakas na unos ang siyang nanlaban
na huwag tangayin ang diwang amihan
habang si habagat ay kusang nangiwan.

Ang bawat pagliyab nitong ating apoy
ay isang pagnasang ating itinaghoy —
nawa'y hayaan mo na itong dumaloy
nang kaligayahan ay mag tuloy-tuloy.