Sunday, November 25, 2012

Iyong Isinara

Dumilim ang bumbilya
Nagising akong bigla
Iyo palang isinara.

May liwanag galing sa labas
Ng pintua'y bumukas
At dumilim ring muli –
Iyo palang isinara.

Hinabol kita't nais pang ika’y makita
Huling masilip ang ningning ng 'yong mga mata.
Dumaloy lang ang luha;
Mata mo'y di ko nakita –
Iyo palang isinara.

Kamay mo sana’y hahawakan;
Ngunit pinaandar mo’ng sasakyan
Inalis sa garahe't itinakbo sa daan
Sa bintana nalang sana –
Iyo palang isinara.

Nawa'y kung saraduahan mo ang lahat;
Maiwan mong puso’y bukas –
Upang kung ika'y sumilip minsan,
Ako’y iyong masilayang
Naghihintay na iyong balikan.

Isinara ko ang aking mga palad
Luha'y pumatak
Sa nagsara nating bukas.
 Isinara ko rin ang aking mga mata at binaybay
Ang mga alaalang tiyak na di mo maisasara.

 Carlo Sia Nov. 25, 2012 | 9:00PM Makati City

Salamisim

Nilukot ng alaala
Ang kumot mong iniwan kanina.
Nais ko mang ayusin ang rabaw
Ng ating kama –
Hindi ko magawa.
Ganyan na lamang siya.

May bahid sa kubrekama;
Mantsang di ko nais mawala –
Katas na natuyo sinta
Ng pag-ibig nating ginawa.

Pauli-ulit ring umaawit
Ang plakang pinaikot natin
Bago matulog ng mahimbing –
Tila naglalambing sa’king damdamin.
Alaala moy pinaiikot rin.

Ang pinto’y bukas, tarangkaha'y
Nalimutan mong kabigin bago ka lumisan.
Hahayaan ko na lamang na ganyan
Baka sakaling ako’y iyong balikan –
Kahit sa pangarap man lamang.

 Carlo Sia Nov. 24, 2012 | 5:00PM Makati City