Eto na naman at susubukan kong isulat ang magulong nagtatae kong isipan.
Tingin ko hindi ko masabi ang tamang pangungusap. May mga salita naman na nabubuuo pero hindi lang magtugma ang bawat isa. Tila bawat salita ay kayang tumayo sa sarili nitong paa ngunit ang bawat talata ay bibigay sa dala dala nitong mga salitang nagkagulo sa iisang pangungusap.
Mangilang ulit ko nang sinubok na isulat ang nasa isipan ko. Mula sa paggising ko kaninang umaga ay sinimulan ko nang ipahayag ang kung anumang hindi ko maintindihan na nararamdaman ko. Sa paglapat ng aking mga daliri sa bawat letra ng laptop na gamit ko, mabilis naman ang pag-agos ng aking mga ideya. Mabilis din ang pag-click ko sa backspace button para burahin at ulitin ang nasabi ko na. Ilang beses ko na kayang nadelete ang mga naisulat ko na? Kung wala akong dinelete sa mga sinulat ko na, siguro ay nakagawa na ako ng mahabang mahabang pinagsama-samang mga ideya, salita, pangungusap at damdamin.
Tinanong ako kagabi ng isang taong pinahahalagahan ko kung bakit hindi ko maisulat ang gusto ko. Sabi pa nga niya, kung gusto ko daw magsulat, dapat maisulat ko.
Hindi ko maisulat ang mga salita. Hindi ko alam kung anong salita ang ilalagay ko sa tula o sa isang essay na gagawin ko. Sinubok ko rin naman ang ipinta ang nararamdaman ko pero tila namanhid ang aking mga daliri. Hindi ko mahawakan ang paint brush na naghihintay sa isang tabi. Hindi ko rin makita ang akmang kulay ng pinta para magamit at subukan iguhit ang nararamdaman ko.
Napakaganda ng nakikita ko. Para akong nakatayo sa isang kapatagan ng iba’t ibang uri ng mga bulaklak. Makukulay ang mga ito at bawat isa ay gusto mapangibabawan ang ibang mga bulaklak. Mababango ang mga ito na sa bawat paglanghap ko ay tila lumilipad ako sa alapaap ng panaginip. Ang liwanag ay mapagpalaya at pilit akong dinadalhan ng tuwa sa puso. Napakaganda at hindi ko alam kung akma na ba ang mga salitang gamit ko para sabihin at ipahayag ang ganda ng aking nakikita.
Natatakot ako sa paghawak ng napakagandang bagay na ito. Natatakot akong baka mabasag at masayang ko lang ito. Kasama ng tuwa, pag-asa, at pag-ibig ang takot, kaba, at pag-aalinlangan na darating ang panahon na magtatapos ang isang napakandang panaginip, na babawiin mo ang mga pag-suyo sa isang masaklap ng hinaharap.
Siguro nga, ito ang sinsabi ni Khalil Gibran na kasama ng isang napakandang panaginip ang isang kaba sa dibdib. Hindi ko alam kung nasabi ko ng maayos ang nararamdaman ko. Para akong tangang nagpupumilit ipahayag ang hindi maintindihan at hindi mapaniwalaan. Para akong kumakapa sa liwanag at bulag sa kamay ng bawat sinag ng pag-ibig.
Nais ko lamang ngayon na mahiga sa ibabaw ng mga bulakalak sa ilalim ng punong tinawag niyang Jade Vine habang suot ang boots na ibinigay niya sa akin at walang pangamba sa pagkaligaw sa sarili naming mundo na siya mismo ang nagpasimula sa pag-usbong. Wala nang pag-aalilangan at pakikipagtalo, dito muna ako sa piling niya.
No comments:
Post a Comment