Wednesday, October 12, 2011

nang ang musa ay umibig


nang ang musa ay umibig
dumaloy ang mga tula
sa damdaming naghihimig
umagos mga himala

namulaklak ang salita
paru paro'y nagliparan
hinahawi ang dalita
alpombra ang nilakaran

sikat ng araw, kay init
di napapaso sa ganda
harapin mundong marikit
sa mga dagok ay handa

ang pagtula'y naging buhay
pagkain ang paghihimig
talihaga'y naging gabay
aminado sa pag-ibig

nang mabigo na itong musa
akalang mahal nang wagas
lungkot ay biglang dumagsa
hinihigop lahat ng lakas

mundo ng musa'y nanlamig
mga rosas ay natuyot
nanghihindik mga himig
balot ang hubog ng yamot

panunula'y di natigil
pusong kay tindi ng ngalit
ang puot ay nanggigigil
idinadaing ang sakit

nang ang musa ay umahon
sa pagkalugmok ng puso
ang pintig ay huminahon
sabay nawala ang pulso

mga damdami'y nawala
naglaho ang mga himig
musa'y tumigil manula
nilimot na ang pag-ibig


 ~10/7/2011~

No comments:

Post a Comment