Thursday, March 14, 2013

Bilanggo


Kasing tahimik ng pipi
Ang gabing pinagtagpi-tagpi
Ng lungkot at pighati.

Madilim sa silid
Natatabunan ang liwanag ng namanhid
Na damdaming nakabatid
Ng lumbay na hatid
Ng pag-asang makipot at makitid.

Langit ang pangarap
Na biglang nasulyap
Pagpatak ng luhang sumabay sa pagkurap --
Kumalat rin sa isang iglap
Ligaya talaga'y mailap.

Mistulang kayumang
Ang kuyom ng palad ng pusong nakalutang
Sa kabiguang sa bukas ay nakaharang.
Hawak ang susi ng nakaraan,
Hindi mapakawalan.

Mabaho ang hininga
Na ibinubuga
Ng mundong mapanghusga:

Husga sa kamaliang nagawa --
Mali ba ang magkasala
Kailan makakawala?

Carlo Sia | Dec 19, 2012 9PM | Caloocan City

Dahil


Di lang sa damdamin naipapakita;
Di rin sa isipang matatalinghaga
Ang tunay na laman ng pusong mat'yaga --
Ito ay dapat na isinasagawa.

Haplosin mo itong diwa kong nasawi
Nang aking madama ang saya ng ngiti,
Mapawing tuluyan ang aking pighati
Nang siglang nalabi'y lumabas ring muli.

Nag-iwan ng marka sa matang tulala
Ang pangakong bigla na lamang nawala.
Pataasang ihi't di pagpaparaya,
Ang napakababaw na dahil at mula.

Di lang sa damdamin naipapakita;
Ito ay dapat na isinasagawa.


Carlo Sia | Jan 17, 2013 | 11:30PM | Mandaluyong City