Ang hirap isipin kung gaano katagal magmamahalan ang dalawang tao. Hindi mo talaga malaman kung hanggang kailan sila magtatagal. Masasabi natin na mahal nila ang isa't isa ngunit may kaakibat naman itong takot na balang araw ay kukupas ang matingkad na kulay ng pag-iibigan. Habang matagal ang pagkatitig ko sa taong mahal ko, naisip ko ang mga ito.
Hindi ko sigurado kung hanggang kailan magtatagal ang nararamdaman namin sa isa't isa. Maaring sa hinaharap ay may makita siyang iba na mas higit pa sa akin. Maaring pag-ugatan ng paglayo ang pangbabae niya. Maaring magsawa na siya sa mukha ko na araw-araw niyang tinititigan. Naisip ko rin naman ngaun ang perspektibo mula sa kanya. Maaring naiisip niyang sa hinaharap ay may makita akong mas higit pa sa kanya. Maaring may takot siya na baka dumating ang araw na man lalake ako. Kahit saang panahon, hindi maikukubli ng kahit anong lipunan o kultura na ang babae ay maaring manlalake. Maaring iniisip din niyang magsawa ako sa mukha niyang tinititigan ko habang siya ay mahimbing na tulog at sa mga oras na hindi napapansin na tinititigan ko lang siya.
Kay lalalim ng mga pinaghuhugutan ng mga damdamin ng mga salitang ginamit para sa mga tula ng pag-ibig. Itong artikulong ito ay hindi kasing arte o ganda ng isang tulang hinubog ng mga namumulaklak na salita. Simpleng pagsasambit lang ito ng diwa ko habang natutulog siyang mahimbing sa aking tabi.
Madalas na siya ay lasing na nagdudulot ng grabeng kakulitan. Kahit ang brod niya, sinabi na "Hindi ko na kontrolado ang boypren mo." Dapat nga bang sinasabi ko ito dito? Hindi ko talaga sigurado. Mabalik tayo sa kakulitan niya, mahirap ang pigilin siya sa kanyang mga nasang gawin kapag lasing na- mag-ingay, magdaldal, mangulit, mang-gambala. Iniisip ko nga paano ko pipigilin ang taong ito. Pero hayun, sumasama ako sa kanya para masigurado ng aking puso na ok siya hanggang sa huling patak ng alak.
Hindi kahit kailan man ay itatanong ko sa kanya ang pagbabago. Hindi ko nga kaya itatanong man lang? Hindi ko din alam. Minahal ko kasi siya ng ganyan na siya. Hindi ko pa magawang i-handle ang kulit niya ngayon, makakahanap din ako sa hinaharap ng solusyon.
Hindi ko papasukin ang sitwasyong 'to kung alam kong hindi ako seryoso. Naging sobra ang pagpapahalaga ko sa pagkakaibigan namin bago mabatid ang mga damdamin namin.
Tahimik at payapa ang pagtulog niya sa aking tabi. Walang emosyon. Naglalaro sa aking isipan ang mga imahe na kanyang nakikita sa kanyang panaginip. Ninanais kong makita ang mga nakikita ng kanyang mga mata. Pero hindi na siguro, nais kong maging misteryo yaon para habang buhay kong aasamin na makita ang nakikita niya. Habang buhay na ang diwa ko ay lilipad sa mga ulap na siya ang tinutuklas.
Saturday, March 20, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment